Open-minded ka ba?




Ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay isang palatandaan ng patuloy na pag-unlad at pagbabago ng mga bagay sa mundo. Mga bagay na sadyang nagpapagaan at nagpapabilis ng gawain ng tao. Hindi na mapipigilan ang pagsilabasan ng mga modernong yunit ng selpon, pagtatayugan at paglalakihan ng mga gusali, paggagaraan ng mga bahay at sasakyan at pagyayabungan ng mga patok na negosyo. Hindi na mabilang ang mga pagbabagong ito at sa kasalukuya’y naiimpluwensiyahan nito ang sistema ng tao.
            Bunsod ng unti-unting paglipas ng panahon, hindi malabong mangyari ang pagkakaroon ng “generation gap.” Maliban sa pagkaugnay ng terminong ito sa batayan ng edad, mangyaring maihahalintulad ito sa konsepto ng mga bagay noon at sa kasalukuyang panahon. Tulad na lamang ng mga gawi, pag-uugali at pamamaraan ng mga magulang.
            Noon, laganap ang paniniwala ng matatanda kung kaya ang mga magulang ay mahigpit na isinasagawa at ipinatupad ito sa buong pamilya. Ang isa sa pinakakilalang paniniwala ay ang hindi pagwawalis sa gabi upang hindi mawala ang biyaya. Ito ay sa literal na kadahilang maaring mawalis ang malilit na bagay tulad ng karayom. Hindi pa masyadong nagkakaroon ng de-kuryenteng ilaw ang mga bahay noon lalo na sa mga nakatira sa bukirin. Isa pang paniniwala ay ang pananatili sa bahay sa tuwing sasapit ang dapit-hapon. Pinaniniwalaang ang mga oras na ito ay ang pagsilabasan ng ibang nilalang tulad ng mga engkanto. Ngunit ngayon, binabalewala na ang mga paniniwalang ito at iilan na lamang sa millennial parents ang nagpapatupad nito. Ang gawing ito ay kaakibat ng pagtugon at pagtanggap sa mga panibagong paniniwala. Naimpluwensiyahan na rin ang mga magulang lalo na ang mayayaman sa iba’t ibang paniniwala sa loob at labas ng bansa.
Ayon kina Lolo at Lola, mahirap ang pakikipagkomunikasyon noon sa mahal sa buhay na malayo sa pamilya. Kinakailangan mo pang idaan sa isang sulat ang gusto mong sabihin. Maghihintay ka pa ng ilang araw para sa sagot niya. Minsan, hindi        ka pa sigurado kung natanggap niya. Kailangan mo rin siyang puntahan kung napakahalaga talaga ng sasabihin mo. May mga selpon nga noon ngunit mahirap mahagilap ang signal at iilan lamang ang mayroon nito. Ngayon? Bawat bubong may higit sa isang selpon. Halos bawat tao ay may account sa social media. Kahit tatlong taong bata may facebook na. Madali na lamang ang pakikipagkomunikasyon kahit saang panig ng mundo. Kaya karamihan sa millennial parents ay aktibo sa iilang social media tulad ng facebook. Madali rin sa kanila ang pagtawag at pagtext sa kanilang mga anak.  Nakatutulong naman ang online access sa grado sa pagsubaybay ng estado ng pag-aaral ng kanyang anak.














Laging kuwento sa akin ni Mama ang kanyang mga karanasan sa tuwing nanonood sila ng telebisyon. Aniya, ang telebisyon noon ay iisa lamang sa kanilang lugar. Ito ay kilala sa katangiang Black and White. Minsan lamang sila nakapanood ng mga palabas sapagkat malayo-layo rin ang kanilang lalakarin. Mahigpit ding ipinagbibilin ng kanyang ama ang paggawa ng mga gawaing bahay. Ngayon laganap na ang iba’t ibang klase ng telebisyon at halos bawat bahay na ang mayroon nito. Ang nagging responsibilidad ng magulang sa bagay na ito ay ang tamang paggabay ng mga anak sa tuwing nanood ng telebisyon sapagkat may mga palabas na maaring maging masamang impluwensya sa anak.



           









Kadalasang gamit noon sa pag-eenkowd ay ang typewriter. Ang anumang pagkamali ay katumbas ng pag-uulit sa pag-enkowd kung kayat mahalaga ang pag-iingat. Ngayon ang mga tao ay gumagamit na mga makabagong kompyuter. Ang iba’y sa selpon na lamang nag-eenkowd. Hinggil nito, mas suportado ng millennial parents ang pangangailang sa teknolohiya sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
            Mapapansin talagang malayo ang pakaiiba ng mga magulang noon at ngayon. Kilala natin ang mga magulang noon na mahigpit at dapat na nasusunod ngunit ngayon sila ay kilala bilang nangungunang tagasuporta ng magandang desisyon ng anak lalo na sa larangan ng edukasyon. Nakisasabay sila sa hilig ng kanilang mga anak bilang bahagi ng pagpapakita at pagpapadama ng kanilang pagmamahal. Medyo maluwag man ang kanilang pagdisiplina kumpara noon ngunit makikita naman ang kanilan direktang pagsuporta.
Bihira pa ang mga teknolohiya noon at marami pang mga paniniwala ang sumusunod. Maraming magulang ang nakatali sa mga pangyayarin dulot ng kahapon ngunit sa patuloy na pag-ikot ng mundo, ang pananaw na ito ay unti-unting nagbago. Ang millennial parents ang isa sa nagpapatunay na ang kaakibat ng mga pagbabago sa mundo ang pagpapatatag ng samahang magulang at anak sa pamamgitan ng maayos na pagpapalaki at pagsubaybay.
Bilang aplikasyon, ang mga makabagng bagay dito sa mundo ay nangailang ng tamang paggamit. Hindi porket bago at patok sa madala ay kailangang gayahin o gamitin. Marapat na isaalang-alang ang mga bagay na kaugnay sa magiging epekto nito. Bilang estudyate, malaking may malaking impluwensiya sa aspekto ng pag-aaral ang mga bagay na itinuturo at pinapahalagahan ng mga magulang. Sinasabing kung anong mga madilim na pangyayari sa kanilang panahon ay hindi nila gusting maulit kung kaya isa ito sa mga basehan nila sa pagdidisiplina ng kanilang mga anak. Hindi ibig sabihin na kung hindi ka nabibilang sa millennial parents ay makaluma na ang mga istilo kundi nasasaiyo ito kung magiging open minded ka sa mga pagbabago.


Mga Komento